Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang posibleng pagsasagawa ng mass testing sa mga eskwelahan para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, mga guro, at non-teaching personnel mula sa Coronavirus disease.
Ayon kay Education Undersecretary Revsee Escobedo, inaalam nila kung magkano ang gagastusin sa pagsasagawa ng mass testing.
Sa pamamagitan nito, mas malalaman kung ligtas na bang pumasok sa mga eskwelahan ang mga estudyante at mga empleyado.
Pero aminado si Escobedo na posibleng malaki ang gagastusin sa mass testing lalo na at ang mga tao ay labas-pasok sa eskwelahan at sa kanilang mga bahay.
Una nang sinabi ng DepEd na ang mga paaralan ay pagbabawalang magsagawa ng face-to-face learning, kabilang ang physical interaction sa pagitan ng mga guro at estudyante hanggang August 24, 2020, ang pormal na pagbubukas ng klase.
Mula August 24, 2020, ang face-to-face learning kung saan magkakaroon ng tradisyunal na klase, ay papayagan depende sa magiging assessment ng mga lokal na opisyal alinsunod sa minimum health standards.
Inaatasan din ng kagawaran ang mga eskwelahan na magkaroon lamang ng 15 hanggang 20 mag-aaral kada klase para masunod ang social distancing measures.