Sta. Maria, Isabela- Patuloy paring tinututukan ng PNP Sta. Maria ang kanilang monitoring sa mga sumukong tokhang responders sa kanilang bayan bilang bahagi ng pagpapaigting sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Police Inspector Carlito Manibug, ang Deputy Chief Of Police ng PNP Sta Maria sa naging panayam ng RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, mayroon umanong 225 na kabuuang bilang ng tokhang responders sa kanilang bayan at ang 98 dito ay nakapagtapos ng Community Based Rehabilitation Program (CBRP) sa unang batch habang noong nakaraang buwan naman ng Oktubre ay nagtapos na din sa 2nd batch ang 125 mula rito.
Sa ngayon ay mayroon na din umanong dalawang barangay na naideklara bilang drug cleared habang may apat namang inaasahan pang susunod na maidedeklara.
Samantala, tuluy-tuloy din umano ang kanilang monitoring at reassessment bilang pakikibahagi sa mandato ng Department of Health (DOH) dahil aniya ay sa naraang assessment ay may 40 na katao umanong napabilang sa mild category.
Sa ngayon ay hindi din umano tumitigil ang PNP Sta. Maria sa kanilang maigting na kampanya kontra droga hanggang sa tuluyang maideklarang drug cleared na ang kanilang nasasakupang bayan.