Pagsasagawa ng neutralizing antibody test ng mga indibidwal na nagpabakuna na ng COVID-19 vaccine, hindi inirerekomenda ng mga eksperto

Hindi inirerekomenda ng UP-National Institutes of Health ang pagsasagawa ng neutralizing antibody test ng mga indibidwal para masuri ang efficacy ng COVID-19 vaccines.

Sa pagdinig ng Committee on Health, tinukoy ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Rep. Janette Garin na marami sa mga nagpabakuna ang nagsasagawa ng sariling antibody testing na nagbibigay ng dagdag na alinlangan sa pagbabakuna.

Ipinunto ng kongresista na may mga resulta kasi na zero o negative ang level ng antibodies kahit pa nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.


Ayon kay UP-NIH Dr. Regina Berba, hindi inirerekomenda ng mga global experts ang neutralizing antibody testing dahil hindi ito nangangahulugan na hindi protektado ang isang taong may zero o negative antibodies kahit naturukan na ng bakuna.

Paliwanag naman dito ni DOST-Phil. Council for Health, Research and Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, kadalasan ay cellular part na ang gumagana sa katawan kaya kahit mababa ang level ng antibodies ay protektado pa rin ang isang indibidwal laban sa COVID-19.

Iginiit naman ni Berba na anumang uri ng bakuna ito man ay whole virus, inactivated, MRNA at protein subunit vaccine, ay nakatutulong para maiwasan ang pagpasok ng spike protein ng coronavirus disease sa cells ng mga tao at maiwasan ang malalang sakit.

Facebook Comments