Pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa bansa, suportado ng ilang senador

Nagpahayag ng suporta ang ilang senador kaugnay sa pagsasagawa ng pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa bansa.

Ito ay sa kabila ng pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang pagsasagawa ng face-to-face classes na magaganap na sana ngayong Agosto 2021.

Sa hearing ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na makakatulong ang pilot testing upang makahanap pa ng ibang paraan ang mga eksperto para mapagaan ang epekto ng COVID-19.


Habang paliwanag naman ni Senator Nancy Binay, suportado niya ang desisyon ni Senator Gatchalian at iminungkahi pa na isagawa ang pilot testing sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.

Samantala kaugnay nito, sinabi naman ni Pasig City Representative Roman Romulo na marapat na hiwalay na pag-aralan ang posibleng pagbabalik ng face-to-face classes sa mga urban at rural areas.

Sa virtual press briefing sinabi ni Representative Romulo, na siyang Chairperson din ng Committee on Basic Education and Culture na magiging mahirap para sa pamahalaan na ibalik ang face-to-face classes sa buong bansa dahil magkaiba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR at sa iba pang lugar.

Magiging tulong din aniya kung para sa Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at sa mga Local Government Units (LGUs) kung isasagawa ang face-to-face classes mga kanayunan.

Facebook Comments