Pagsasagawa ng plebesito para sa paghahati sa Palawan, inaprubahan na ng IATF; face-to-face training ng TESDA para sa mga paalis na OFWs, pinayagan na rin

Naglabas na ng health and safety protocol ang Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases para sa gagawing plebesito sa paghahati sa Palawan na gaganapin sa unang quarter ng taong 2021.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dalawang araw ang gagawing botohan habang nasa limang botante lamang ang papayagang sabay-sabay na makapasok kada kwarto.

Hinihimok din ng IATF ang Commission on Elections (COMELEC) na maglabas ng “safety mechanisms and procedures” para makaboto rin ang mga may kumpirmadong kaso ng COVID-19 gayundin ang mga symptomatic patients.


Maliban dito, pinayagan na rin ng IATF ang face-to-face training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa papaalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) o mas pinaluwag na status ng community quarantine.

Ito’y upang matulungan ang mga OFWs na mayroon nang employment opportunities sa ibang bansa gaya ng caregiver, housekeeping at ship’s catering.

Bukod dito, sinabi ni Roque na maaari na rin tumanggap ng mga guest ang mga dive establishment na nasa ilalim ng GCQ at Modified GCQ gaya ng Batangas at iba pang lugar na nasa listahan ng Department of Tourism (DOT).

Facebook Comments