Pagsasagawa ng preventive maintenance programs ng mga power companies, pinarere-schedule ng DOE

Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanyang nangangasiwa sa suplay ng kuryente na i-reschedule ang pagsasagawa nito ng preventive maintenance programs.

Ayon kay Director Mario Marasigan ng DOE Electric Power Industry Management Bureau, mapipigilan ng programa ang posibleng red alert na magsisimula sa susunod na linggo hanggang sa kalagitnaan ng Agosto.

Batay sa iskedyul na ipinasa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sinabi ni Marasigan na isa ang Batangas power plant o Block A plant na nakatakdang magsagawa ng preventive maintenance na magaganap sa susunod na linggo.


Ang Block A plant ay mayroong 600 megawatts, kung saan posibleng makasabay nito ang Pagbilao Unit 2 sa pag-aayos na magaganap sa kalagitnaan ng Hulyo at ang Sula Unit 1 sa katapusan naman ng Hulyo.

Sa oras na magsabay-sabay ang tatlong planta, inamin ni Marasigan na malaki ang mawawala sa grid ng suplay ng kuryente na aabot sa 1,500 megawatts.

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Marasigan na hindi nangangahulugang brown-out ang red alert dahil tinatayang magaganap lang ito sa loob ng isa hanggang limang oras na hindi naman magtutuloy-tuloy.

Facebook Comments