Monday, March 30, 2026

Pagsasagawa ng serye ng pagdinig para makabuo ng komprehensibong tugon sa krisis sa Middle East, iniutos ng liderato ng Kamara

Inatasan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga kaukulang komite sa Kamara na magkasa ng joint hearings para mailatag ang komprehensibong tugon ng Kongreso sa lumalalang krisis sa Gitnang Silangan.

Kabilang sa saklaw ng direktiba ni Dy ang mga Committee on Energy; Agriculture, Aquaculture and Fisheries; Foreign Affairs; Ways and Means; Labor and Employment; Transportation; Information and Communications Technology; Economic Affairs; at Social Services.

Ayon kay Dy, layunin ng joint hearings na tiyakin na ang mga inisyatibo ng legislative branch ay kaisa ng mga hakbang ng ehekutibo upang maging malinaw ang mga plano hindi lang para sa kasalukuyan kundi pati na rin sa mga susunod na buwan at taon.

Isasagawa ang mga pagdinig pagkatapos ng Holy Week, kung saan iimbitahan ang mga opisyal ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang tumulong sa paghanap ng solusyon.

Ipinunto ni Dy na bagama’t hindi natin kontrolado ang nangyayari sa labas ng bansa, kontrolado naman natin kung paano tayo tutugon sa mga hamong ito sa pamamagitan ng pagiging handa, mabilis, at sama-sama sa paghahanap ng solusyon.

Facebook Comments