Pagsasagawa ng sesyon ng supporters ni Marinduque Rep. Velasco, iligal; Gamit na “mace” sa sesyon, hindi opisyal ayon sa isang house leader

404

Iginiit ni Deputy Speaker Neptali Gonzales II na iligal ang isinasagawang sesyon ngayon ng mga kongresistang sumusuporta kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Kaninang umaga ay nagsasagawa ng sesyon ang supporters ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kung saan ipapadeklarang bakante ang posisyon ng Speaker at ihahalal na Speaker si Velasco kapalit ni Speaker at Taguig Representative Alan Peter Cayetano.

Giit ni Gonzales, naka-suspend pa ang sesyon hanggang November 16 at wala pang ibinibigay na authority mula sa plenaryo na opisyal na magre-reconvene ngayong araw.

Bukod dito, ang mace na opisyal na ginagamit at simbolo ng pag-uumpisa ng sesyon ay nasa pag-iingat ng House Sergeant at Arms, at wala sa kampo ni Velasco kaya iligal na matatawag ang kanilang pagsasagawa ng sesyon.

Paliwanag pa ng Deputy Speaker, hindi tulad sa isinagawang sesyon sa Batangas matapos ang pagputok ng Bulkang Taal ay wala namang resolusyon na ipinasa ngayon para magsagawa ng sesyon sa ibang lugar maliban sa plenaryo na malinaw aniyang labag sa Konstitusyon.

Samantala, iginiit naman ni House Sgt-at-Arms. Ramon Apolinario na hindi opisyal na “mace” ang nasa Celebrity Sports Complex dahil nasa pagiingat niya ang totoong “mace” na simbolo ng authority ng Kamara.

Facebook Comments