Hiniing ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano sa Commission on Audit (COA) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) na magsagawa ng magkahiwalay o magkasamang special audit sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Layunin nito na matukoy kung bakit sumasablay ang PhilHealth sa remittances nito sa mga ospital at sa database management.
Para kay Valeriano, ang mga nadiskubre sa 2023 audited financial statements ng PhilHealth ay sapat ng basehan para magsagawa ng malalimang audit ang COA at ARTA.
Pangunahing tinukoy ang kulang at mali-maling entry ng mahigit 1.3 million benepisaryo na magbubunga ng doble o paulit-ulit na enrollment sa PhilHealth Members Information System.
Binanggit din ni Valeriano ang duplicate at multiple entries para sa mahigit 266,000 senior citizen members na katumbas ng P1.333-B na subsidy at pagkakasama ng mahigit 4,000 na pumanaw ng senior citizen members database at billings.
Pinuna rin ni Valeriano ang kawalan ng polisiya o patakaran ng PhilHealth sa premium contributions at expanded benefits para sa solo parents at person with disabilities (PWDs) kaya hindi naibibigay ang kanilang mga benepisyo na inuutos ng batas.