Pagsasagawa ni Sen. De Lima ng pagdinig sa detention center, hiniling ni Senate President Tito Sotto III sa PNP

Manila, Philippines – Nagpadala ng isang pahinang liham si Senate President Tito Sotto III kay Philippine National Police o PNP Chief Director General Oscar Albayalde.

Laman ng liham ang kahilingan na payagan si Senator Leila De Lima na magsagawa ng pagdinig sa PNP Custodial Center kung saan ito nakaditene.

Ayon kay Senator Sotto, kahit nakakulong ay marapat lang na magampanan pa rin ni De Lima ang trabaho nito para magsagawa ng pagdinig ukol sa mga panukalang nakabinbin sa pinamumunuan niyang Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development.


Inihalimbawa ni Sotto ang pagpapahintulot noon kay Senator Antonio Trillanes IV na magsagawa ng pagdinig kahit nakabilanggo.

Tiniyak ni Sotto na kapag pinagbigyan ang kanyang hiling ay istriktong susundin ng Senado ang mga patakarang ipapatupad ng PNP at ang mahigpit na koordinasyon kaugnay sa mga pangungunahang pagdinig ni De Lima.

Facebook Comments