Binawi ni National Task Force against COVID-19 Chairman Delfin Lorenzana ang prediskyon nito na handa nang isailalim muli sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ito ay matapos na sumipa sa halos 7,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa kahapon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Lorenzana na dahil tumaas na naman ang mga bagong kaso ng virus, malabo nang mangyari ang kanyang prediksyon.
Gayunman, depende pa rin aniya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, aminado si Lorenzana na tutol ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) sa mungkahi ng UP experts na gawing isang buwan ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila dahil lubog na ang ekonomiya ng bansa.
Pagtitiyak ng kalihim, tinitimbang itong mabuti ng pamahalaan.
Sa Lunes ng gabi, inaasahang magbibigay ng anunsyo si Pangulong Duterte hinggil sa bagong ipatutupad na quarantine restriction pagkatapos ng deadline ng MECQ sa Metro Manila at karatig-lalawigan sa Martes, August 18.