PAGSASAILALIM NG ILANG LUGAR SA PANGASINAN SA YELLOW ELECTION HOTSPOTS WALANG DAPAT IKABAHALA

Wala dapat umanong ikabahala ang publiko ukol sa mga lugar sa Pangasinan na isinailalim sa Yellow Areas of Concern para sa paparating na Halalan sa buwan ng Mayo.

Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay COMELEC Pangasinan Election Supervisor Atty. Ericson Oganiza, sinabi nito na ang dahilan ng pagsasailalim ng mga lugar sa nasabing kategorya ay dahil sa pagkakaroon ng mainit na political rivalries.

Dagdag ng Opisyal, ang mga lugar sa nasabing kategorya ay mayroon ring kasaysayan ng political unrest.

Isinailalim ang walong lugar sa Pangasinan sa areas of concern, na kinabibilangan ng Aguilar, Binmaley, Mangaldan, Malasiqui, San Quintin, Sual, at mga lungsod ng Dagupan at Urdaneta.

Aniya, ito ay desisyon ng central office at hindi nila inirekomenda.

Dahil dito, tututukan ng kapulisan ang mga nasabing lugar bagamat walang kasaysayan ng election-related incidents.

Samantala, inihayag din ni Oganiza na sila ay handa na sa Election period na ipapatupad sa darating na 12 ng Enero.

Nagpaalala naman si Oganiza sa mga kandidato na wala pang campaign period kaya’t iwasan ang pangangampanya ng maaga, dahil mayroon itong kaukulang parusa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments