Kailangang sumailalim sa 14-day quarantine ang mga indibidwal na maituturing na close contact ng probable at confirmed COVID-19 cases sa ilalim ng Alert Level System.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ito ay kahit na fully vaccinated at mayroong negative RT-PCR test result.
Sa guidelines na ibinaba ng IATF, kailangang sumunod sa 14-day quarantine period ang mga close contact, alinsunod sa isolation at quarantine protocols na inilatag ng Department of Health (DOH).
Paliwanag ng kalihim, batid naman ng lahat na kahit bakunado na ang isang indibidwal ay hindi pa rin ito garantiya na hindi na ito maaaring mahawa o makapanghawa ng virus.
Ang mga breakthrough infections aniya ang dahilan kung bakit kailangan pa ring sumunod sa 14-day quarantine ang mga close contact, upang matiyak na hindi na kakalat pa ang virus.