Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsasailalim sa buong bansa sa Modified General Community Quarantine.
Sa isang pahayag, sinabi ng DILG na kailangang alisin na ang mga “redundant” na protocols na ipinatutupad ng Local Government Units.
Paliwanag ni DILG Spokesperson Jonathan Malaya, maraming Pilipino ang nalilito sa mga ipinatutupad na travel regulations dahil sa pagkakaiba ng requirements na hinihingi ng mga LGU.
Nabatid na ang ilang lalawigan ay kinakailangan pang sumailalim sa 14-day quarantine kahit negatibo ang resulta sa COVID-19.
Ayon kay Malaya, kapag nasa ilalim na ng MGCQ ang buong bansa ay mas mapapadali ang pagpapatupad ng travel regulations.
Pero una nang nagbabala ang mga eksperto na posibleng magkaroon ng surge ng kaso ng COVID-19 kung mamadaliin ang pagluwag sa restrictions.
Pagtitiyak naman ng DILG, hindi ibig sabihin ng pagbabago ng ilang travel regulations ay isinasantabi na ang pag-iingat laban sa pagkalat ng virus.