Pagsasailalim sa COVID-19 test ng mga evacuees, hindi na inirekomenda ng DOH

Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi nila magagawang isailalim sa COVID-19 test ang lahat ng mga evacuees dahil sa Bagyong Rolly.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may mga paraan naman silang ginagawa para mapigilan ang pagkalat ng virus sa mga temporary shelter.

Sinabi pa ni Vergeire na patuloy naman nilang pinaalalahanan ang mga safety officers sa mga temporary shelters na mahigpit na ipatupad ang mga inilatag na protocols laban sa COVID-19 tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.


Dagdag pa ni Vergeire, ang mga evacuees na magpapakita ng sintomas ng virus ay agad na ililipat sa ibang pasilidad.

Una na ring nihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi na rin kakailanganing sumailalim sa COVID-19 testing ang mga reresponde sa pananalasa ng Bagyong Rolly basta’t sila ay asymptomatic at walang kasaysayan ng exposure sa confirmed o probable case.

Bago naman manalasa ang Bagyong Rolly, inilipat ng DOH ang nasa 155 na pasyente at 169 na staff mula sa temporary treatment and monitoring facilities (TTMFs) upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Ang mga pasyente at staff ay pansamantalang dinala sa mga hotels at hospitals sa lungsod ng Maynila, Pasig at Quezon City.

Ilan sa mga temporary treatment and monitoring facilities na hawak ng pamahalaan ay ang Ninoy Aquino Stadium, Rizal Medical Center, Filinvest Tent, Philippine International Convention Center at Philippine Arena.

Facebook Comments