Pinabulaanan ng Palasyo ang kumakalat na mensaheng isasailalim sa dalawang linggong lockdown ang Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang katotohanan ang ipinakakalat na text message na magkakaroon ng “circuit breaker” na lockdown ngayong patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Matatandaang noong Biyernes ay inihayag ng Department of Health na pinag-iisipan nilang irekomenda na ipatupad ang “circuit breaker” para magkaroon ng timeout ang ating health workers.
Ibig sabihin nito, babawasan ang capacity ng mga establisyimento at mga pampublikong lugar.
Kahapon ay umabot sa 7,999 o halos 8,000 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa na pinakamataas mula noong magsimula ang pandemic.