Cauayan City, Isabela- Planong umapela ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa Inter-Agency Task Force (IATF) para isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) status ang probinsya mula sa kasalukuyang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang sa July 15, 2021.
Napag-alaman umano ni Mamba sa national IATF at Department of Interior and Local Government (DILG) na mananatili sa MECQ status ang lalawigan hanggang sa katapusan ngayong buwan.
Irerekomenda ng Gobernador na ibaba sa GCQ status ang Cagayan dahil batay umano sa assessment ng Provincial Health Office ay patuloy ang pagbaba ng growth rate ng kaso ng COVID-19 at ang Average Daily Attack Rate sa lahat ng bayan kung ikukumpara sa mga nakalipas na buwan.
Tiwala naman si Mamba na makakaya ng probinsya na mapasailalim sa mas maluwag na quarantine status basta masigurong doble ang pag-iingat at bantayang Mabuti ang galaw ng publiko.
Sa kasalukuyan ay mahigpit ang pagbabantay sa Tuguegarao City, Claveria at ilan pang bayan na may matataas na kaso ng COVID-19 at kabilang sa mga areas of concern para tuluyang mapababa ang bilang ng mga active case sa probinsya.
Samantala, pinababantayan din ni Mamba ang kilos ng mga grupong kabilang sa Authorized Person Outside Residence (APOR) na pumapasok at lumalabas sa bawat bayan na isa sa pinaniniwalaang sanhi ng mabilis na hawaan ng COVID-19 virus.
Patuloy pa rin ang paghimok sa publiko na huwag maging kampante bagkus ituloy ang pagsunod sa umiiral na minimum health standards.