Umaasa si Senator Risa Hontiveros na mauuwi sa pagsagip sa ibang myembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) ang pagsailalim sa siyam na mga menor de edad na mga dating kasapi ng sinasabing kulto sa protective custody ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon kay Hontiveros, Chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, umaasa siyang magreresulta ito sa pag-rescue sa ibang mga residente ng Sitio Kapihan.
Naniniwala ang mambabatas na mahalaga ang malayang testimonya para mapanagot ang mga lider ng kulto at makumbinsi ang natitirang mga miyembro ng grupo na umalis na rin.
Panawagan ng senadora na pakinggan ng mga kapwa miyembro ang apela ng mga dating kasamahan na umalis na sa grupo at mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng SBSI.
Malaki ang tiwala ni Hontiveros na maibibigay naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kinakailangang kalinga at proteksyon ng mga tumakas na dating miyembro ng umano’y kulto.
Dagdag pa aniya sa pinakamahalagang matugunan sa ngayon ang unti-unting reintegration sa lipunan at ang kinakailangang psycho-social needs ng mga dating kasapi ng SBSI.