Pagsasailalim sa MECQ sa Bayan ng Solano, Hiniling

Cauayan City, Isabela- Inirekomenda ng lokal na pamahalaan ng Solano na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang nasabing bayan sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, inaasahan din aniya ngayong araw, Setyembre 2, 2020 ang magiging pasya ng Regional COVID-19 Taskforce sa hiling ng Bayan ng Solano na ngayo’y pinaghahandaan na rin ng munisipyo.

Sakaling payagan na ilagay sa MECQ ang status ng buong bayan ng Solano ay ibabalik ang strikto at mahigpit na pagbabantay ng mga alagad ng batas, kasundaluhan at iba pang ahensya ng gobyero sa mga quarantine checkpoints na sakop ng Solano.


Sa bahagi naman ng Sta Fe ay mayroon na rin ginawang sistema ng pagbabantay sa checkpoint na malaking tulong aniya para masuri at mainspeksyon ng mabuti ang lahat ng mga taong pumapasok sa Lambak ng Cagayan.

Dahil maging ang mga Authorized Person’s Outside Residence (APOR), Unauthorized Person’s Outside Residence (UPOR), Locally Stranded Individual (LSI’s) at mga nakasakay sa private vehicle ay masusi nang iniinspeksyon upang matiyak na sila ay sumusunod sa protocols upang maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.

Mensahe ng Gobernador sa lahat Novo Vizcayano na mag-ingat at sumunod sa minimum health standards upang maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19.

Facebook Comments