Tinutulan ng Metro Manila Council (MMC) na isailalim sa mas maluwag na quarantine classification ang National Capital Region (NCR) sa Enero ng susunod na taon.
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, hindi siya pabor na isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang NCR lalo’t hindi pa tayo pamilyar sa bagong variant ng COVID-19.
Aniya, naglabas na sila ng executive order sa mga Local Government Unit (LGU) sa NCR na i-monitor ang mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) lalo na ang mga galing sa mga bansang may bagong Coronavirus variant.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hindi pa kailangan sa ngayon na magkaroon ng lockdown dahil wala pa namang naitatalang bagong variant ng COVID-19 sa bansa.
Ang kanilang focus aniya sa ngayon ay paano mapipigilan ang pagpasok ng bagong variant sa Pilipinas.
Una nang nagpatupad ang pamahalaan ng travel ban sa mga biyaherong mula United Kingdom habang ang mga galing sa mga bansang nakapagtala ng bagong variant ay kailangang sumailalim sa 14 days mandatory quarantine.
Mamayang gabi, inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging quarantine classification ng Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa para sa Enero ng susunod na taon.