Nais ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjamin Abalos na mahasang maigi ang police investigators na humahawak ng iba’t ibang kasong kriminal.
Sa Department of Justice-DILG (DOJ-DILG) joint press conference sa Kampo Krame, sinabi ni Abalos na mahalagang magkaroon ng tiwala ang publiko sa sistema o judicial system ng bansa kung kaya’t mahalagang masanay nang maigi ang mga police investigators.
Ayon kay Abalos, hindi usapin dito ang dami ng kasong naisasampa, bagkus ang mahalaga rito ay ang quality o kalidad ng mga kaso kung saan kaya nitong tumayo sa korte at mapanagot ang mga may sala.
Aniya, isinagawa ang naturang pulong nang sa ganon ay mareview o mapag aralan kung paano kinukuha ang mga imbestigador.
Base sa datos ng Pambansang Pulisya, sa higit 22,000 kabuuang bilang ng mga police investigators sa bansa, 123 lamang dito ang nakapagtapos ng abugasya.
Paliwanag ni Abalos, mahalaga na maging air tight ang mga naisasampang kaso upang hindi ito ma-dismiss sa korte dahil sa isyu ng teknekalidad.
Sa datos pa na iprenisinta ng kalihim, sa halos 300,000 kasong may kaugnayan hinggil sa ilegal na droga na kinasasangkutan ng mga pulis nasa 5,551 dito ang na-dismiss sa prosecutor’s level habang umaabot naman sa 5,073 ang nabasura ng korte dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.