Pagsasailalim sa State of Calamity dahil sa ASF, Aprubado na sa Konseho ng Cauayan City

Cauayan City, Isabela- Aprubado na ang inihaing resolusyon sa konseho ng lungsod ng Cauayan para sa pagsasailalim sa State of Calamity dahil sa African Swine Fever.

Ito ay matapos kumpirmahin ni City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao ang 48 barangay mula sa kabuaang 65 ang apektado na ng nasabing sakit ng baboy ng magkaroon ng second wave nito sa probinsya.

Ayon pa kay Dalauidao, umaabot nasa mahigit 10,000 baboy ang isinailalim sa culling mula sa mga hog raisers at commercial farm sa lungsod.


Aniya, asahan na ang kakulangan ng suplay ng karne ng baboy ngayong papalapit ang kapaskuhan dahil sa ASF outbreak sa buong lalawigan.

Sa katunayan ay nasa 50 baboy araw-araw ang kinakatay nalang ngayon sa slaughter house kung ikukumpara noon na nasa 150 baboy kada araw habang bayan ng San Mariano nalang ang maaaring pagkunan ng mga baboy para sa dagdag na suplay nito at ang isang commercial farm sa lungsod.

Inaasahan na sa mga susunod na araw ay ilalabas ang resolusyon para sa implementasyon ng pagsasailalim sa state of calamity gayundin ang masuportahan ang mga apektadong backyard hog raisers.

Facebook Comments