Manila, Philippines – Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang simbahang Katoliko na maging mahigpit sa pagsasala at pagtanggap ng mga kandidato sa pagpapari.
Ito ang pahayag ni Father Jerome Secillano, CBCP public affairs committee executive secretary sa harap ng pang-aabusong sekswal ng ilang paring Katoliko.
Ayon kay Father Secillano, dapat magkaroon ng malinaw na pamantayan at dapat dumaan sa masusing proseso ang mga nagnanais magpari.
Maliban rito, kailangan rin aniyang i-monitor ang mga aktibong pari sa bansa.
Naniniwala naman si Secillano na hindi solusyon ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na payagan nang mag-asawa ang mga pari para matapos ang sexual abuses sa kanilang hanay.
Aniya, walang garantiya na hindi mauulit ang pag-abuso kung mag-aasawa ang isang pari.
Giit pa ni Secillano, hindi tungkol sa isyu ng homosexuality sa mga pari ang problema kundi ang makamundong personalidad ng iba na hindi basta-basta nareresolba ng pag-aasawa.