Isinulong ni Agusan del Norte Rep. Dale Corvera ang integration o pagsasama ng scouting sa curriculum ng elementary at junior high sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Napaloob ito sa House Bill No. 3053 na inihain ni Corvera sa gitna ng mainit na debate ukol sa pagpapatupad ng mandatory Reserve Officers Training Corps o ROTC sa Senior High School.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Corvera ay magiging isang regular na asignatura na ang scouting at bibigyang diin ang mandato ng Boy Scouts of the Philippines at Girl Scouts of the Philippines.
Sa ngayon kasi ay hindi mandatory ang scouting bagama’t ito ay school based at sinusuportahan ng Department of Education (DepEd).
Target ng panukala ni Corvera na sa pamamagitan ng scouting ay maituro ang pagiging makabayan at nasyonalismo sa mga kabataan upang sila ay maging responsableng mga lider sa hinaharap.