Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President Ricardo Morales at iba pang mga opisyal dahil sa pagkakadawit sa korapsyon.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang post sa Facebook.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), binasa ni Pangulong Duterte ang report na isinumite sa kanya ng task force na nag-iimbestiga sa state health insurance agency.
Lumabas sa resulta ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth na ilang opisyal nito ang lumabag kabilang ang graft, malversation at kabiguang maghain ng withholding taxes kaugnay sa Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Nakitaan din ang mga ito ng dishonesty, grave misconduct, disloyalty, gross neglect of duty, inefficiency at incompetence, at falsification of documents.
Maliban kay Morales, inirekomenda ng task force na kasuhan ang mga sumusunod:
– PhilHealth Senior Vice President for Information Management Sector Jovita Aragona
– Acting Senior Manager, Information Technology and Management Department Calixto Gabuya Jr.
– Senior Vice President for Fund Management Sector Renato Limsiaco Jr.
– Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas
– Executive Vice President, and Chief Operating Officer Arnel De Jesus at iba pa.
Sinabi ni Pangulong Duterte na importante ang isyu ng korapsyon sa PhilHealth sa mga Pilipino.
Aniya, ang mga nabanggit na opisyal ay kailangang sumailalim sa paglilitis.
Ang Task Force PhilHealth ay pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, katuwang ang Office of the Special Assistant to the President (OSAP), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Una nang inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na sampahan ng kasong graft at malversation sina Health Secretary Francisco Duque III, na siyang chairperson of the board ng PhilHealth, Morales at iba pang opisyal ng ahensya.