Pagsasampa ng CIDG ng reklamo laban kay Rep. Barzaga, suportado ng isang lider ng Kamara

Suportado ni House Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno ang pagsasampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng reklamo laban kay Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga kaugnay sa marahas na insidente sa isinagawang anti-corruption protest noong September 21.

Para kay Puno, mainam na nagdemanda ang CIDG upang madala si Barzaga at maisip niya na hindi nakakatawa ang paggawa ng karahasan sa kapwa.

Sa pagkakaalam ni Puno, may history ng marahas na asal si Barzaga kaya ilang beses umano itong napaalis sa kanyang pinasukang paaralan.

Maging sa Kamara ay may nakabinbin ding reklamo laban kay Barzaga sa House Ethics Committee na inihain ni Puno at ng kinaaniban niyang National Unity Party.

Binanggit ni Puno na naantala ang pagdinig ng komite sa kanilang ethics complaint laban kay Barzaga dahil sa pagkasuspinde ng trabaho sa Kamara bunsod ng pananalasa ng bagyo.

Facebook Comments