Pagsasampa ng ibang kaso laban kay Alice Guo, masusing pag-aaralan ng DOJ

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na makakatulong sa ginagawa nilang imbestigasyon ang ilang mga kasong isinasampa laban sa na-dismiss na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.

Sa Kapihan sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Remulla na masusing pag-aaralan ng prosekusyon ang kahahain lamang na tax evasion case laban kay Guo ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Aniya, sakaling mapatunayan ng proseskusyon na may nilabag ang na-dismiss na alkalde, magiging maganda ito sa DOJ dahil mas lalo pang madidiin si Guo.


Sinabi naman ni Justice Usec. Nicholas Ty, hindi na rin sila nag-apply pa ng preventive hold departure order (HDO) laban kay Guo dahil sigurado sila na hindi siya makakalabas ng bansa.

Giit pa ni Usec. Ty, makakalabas lamang daw ng bansa si Guo kung ito ay makakakuha ng permit mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Pabor din ang DOJ sa naunang desisyon ng Office of the Ombudsman na i-dismiss sa pwesto si Guo kung saan ipagpapatuloy pa rin nila ang imbestigasyon para mapanagot ang na-dismiss na alkalde.

Facebook Comments