Manila, Philippines – Binatikos ng opposition senators ang pagsasampa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng kaso laban sa kanilang kasamahan na si Senator Risa Senator Hontiveros.
Giit ng Senate Minority Bloc na pinamumunuan ni Senator Franklin Drilon, malinaw na harrassment at pananakot sa mga taga-oposisyon ang hakbang ni Aguirre.
Diin ng grupo, ang paghahain ng mga kasong paglabag sa anti wiretapping law at ethics complaint laban kay Hontiveros ay may layuning patahimikin ang mga taga oposisyon.
Ipinunto pa ng grupo na ang nabunyag na text messages ni Sec. Aguirre kay dating Congressman Jing Paras ay patunay na matagal ng pinagplanuhan ang paghaharap ng asunto kay Hontiveros.
Katulad anila ito ng pagpapakulong sa kanilang kasamahang si Senator Leila de Lima, paghahain ng ethics complaint kay Senator Antonio Trillanes IV at mga pagbabanta at panggigipit sa Supreme Court, Ombudsman at Commission on Human Rights.
Paalala ng Senate Minority Bloc, mahalaga ang papel na ginagampanan ng political opposition sa lipunan dahil ito ang tumutupad sa checks and balances para sa umiiral na demokrasya.