Posibleng irekomenda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang paghahain ng reklamo laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.
Si Teves ang itinuturong pinaka-utak at financier sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa iba pang karahasan at patayan sa lalawigan.
Ayon kay Public Order and Dangerous Drugs Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, pareho ang direksyon ng imbestigasyon na ginagawa ng Senado at ang mga nagiging finding ng Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Dela Rosa na kakasuhan ang mga dapat na kasuhan sa mga patayang naganap sa Negros Oriental at kasama na nga rito si Teves.
Bukod kay Teves ay lumutang din sa pagsisiyasat ang ibang mga testigo kung saan itinuturo din ang mga Degamo sa ilang mga pag-atakeng naganap sa Negros.
Matatandaang tinapos na ng komite ang imbestigasyon sa pagpatay kay Gov. Degamo at iba pang krimen sa probinsya na sa kabuuan ay aabot sa 23 kaso ng pagpatay.