Manila, Philippines – Isang magandang hakbang para sa Philippine National Police (PNP) ang gagawin ng Public Attorney’s Office (PAO) na magsampa na kasong murder laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian Loyd Delos Santos, ang menor de edad na nasawi sa drug operation sa Caloocan City.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, sa ganitong paraan maidedepensa ng mga pulis na sina PO1 Jeremias Pereda, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at Precinct Commander Chief Insp. Amor Cerillo ang kanilang sarili sa nangyaring police operation.
Giit pa ni Carlos, hindi kukunsintihin ng Philippine National Police ang mga maling gawain ng sinumang miyembro ng PNP.
Pero sa ngayon, nanatili aniyang inosente ang pulis na nasasangkot hanggat walang desisyon ang korte kaugnay dito.
Sa ngayon, mas maigi aniyang magawa ng mga pulis ang kanilang karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Ang kaso ay isasampa ng PAO sa Department of Justice ngayong araw.