Pagsasampa ng kaso ng PNP kaugnay sa mga nawawalang sabungero, naantala

Hindi pa nakakapagsampa ng kaso ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga nawawalang sabungero.

Ito ay kahit na may naunang pangako na ngayong linggo ay magsasampa ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga security personnel ng Manila Arena kung saan huling nakita ang anim na kasama sa mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Plt. Col. Marissa Bruno – tagapagsalita ng CIDG, wala pa silang feedback sa kanilang mga imbestigador na may hawak ng kaso.


Ayon naman kay PBGen. Roderick Alba ng PNP Public Information Office Chief, ipinupursige ng mga tauhan ng CIDG ang imbestigasyon at onti-onti nang may mga nakukuhang ebidensya.

Matatandaang nagdesisyon ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na suspendihin ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero na umabot na sa 34 para bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP at NBI.

Facebook Comments