
Tinawag ni Senator Christopher “Bong” Go na diversionary tactic ang paghahain sa kanya ng kaso ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa Office of the Ombudsman.
Kaninang umaga ay nagsampa ng kasong graft at plunder si Trillanes laban kina Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Ombudsman kaugnay sa pagpabor at pagpasok ng ₱7 billion na government infrastructure projects sa kumpanya na pag-aari ng kapatid at ama ng senador.
Ayon kay Go, malinaw na diversionary tactic ang hakbang na ito ni Trillanes para malihis ang atensyon ng taumbayan sa tunay na isyu ng flood control project scandal.
Sinabi ni Go na mali ang taong inaakusahan ni Trillanes at kung talagang seryoso itong labanan ang katiwalian ay dapat na kasuhan ng dating mambabatas ang mga totoong corrupt, mga contractors at financiers nito na ang pondong posibleng ginagamit sa propaganda ay maaaring galing pa mga ghost at substandard na flood control projects.
Hindi na rin ikinagulat ng senador ang pagsasampa sa kanya ng kaso ni Trillanes dahil makailang ulit na siniraan din siya nito noon sa parehong isyu mula 2018, 2021 at noong 2024.
Nanawagan din si Go sa Ombudsman, sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na maging patas at alamin ang katotohanan lalo na sa tunay na isyu sa gobyerno at sa maanomalyang flood control projects.









