Pagsasampa ng kaso sa 12 pulis na nakapatay sa 4 na sundalo sa Jolo Sulu, ikinatuwa ng AFP

Ipinagpasalamat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsasampa ng Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service (IAS) ng kasong administratibo laban sa labing dalawang (12) pulis kabilang ang 3 opisyal na dawit sa Jolo Shooting incident noong June 29, 2020 na ikinamatay ng apat na sundalo.

Sa isang statement, sinabi ni AFP Spokesperson at Commander ng AFP Education, Training and Doctrine Command Maj. Gen. Edgard Arevalo na kaisa ang AFP sa mga pamilya ng namatay na sundalo sa pagsusulong ng kriminal na kaso laban sa mga miyembro ng Jolo PNP na sangkot sa insidente.

Hindi aniya titigil ang AFP hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa mga biktima.


Giit ni Arevalo, hindi dapat maantala o maipagkait ang hustisya para sa mga sundalo na napatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin na protektahan ang bansa laban sa mga terorista.

Matatandaang sinabi ng militar na target ng mga sundalo ang mga terorista na nagpasabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan nang sila ay nabaril at napatay ng 9 na pulis sa Jolo, Sulu.

Kanina, inanunsyo ni PNP Chief Pol. Gen. Camilo Cascolan na sinampahan na ng kasong administratibo ng PNP Internal Affairs Service ang siyam na pulis dahil sa kanilang direktang involvement sa insidente, habang ang kanilang 3 immediate superior ay kinasuhan din dahil sa command responsibility.

Facebook Comments