Pagsasampa ng kaso sa korte laban kina Atong Ang, tuloy kahit naghain ng motion for reconsideration —DOJ

Tuloy ang pagsasampa ng kaso ng Department of Justice (DOJ) laban sa negosyante at gaming tycoon na si Atong Ang at iba pang dawit sa pagkawala ng mga sabungero.

Ito ay matapos kumpirmahin ng kampo ni Ang na naghain sila ng motion for reconsideration sa DOJ noong Biyernes.

Ayon kay Atty. Polo Martinez, tagapagsalita ng Justice D0epartment, hindi mapipigilan ng paghahain ng mosyon ang kanilang pag-akyat ng kaso sa korte.

Naantala lamang aniya ang paghahain ng criminal information dahil sa masusing proseso ng pag-review para matiyak na hindi maibabasura ang kaso.

Pinakakasuhan ng DOJ ng kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention sina Ang at mahigit 20 indibidwal matapos makitaan ng prima facie evidence at sapat na batayan para ma-convict ang mga ito.

Naghain ng mosyon ang abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal dahil sa umano’y hindi patas at depektibo na resolusyon na hindi rin daw nakabatay sa mga ebidensiya at galing lamang sa whistleblower na si Julie Patidongan.

Facebook Comments