Pagsasampa ng kaso sa mga magsisinungaling ng impormasyon sa panahon ng pandemya, last resort na ayon sa Palasyo

Nilinaw ni acting Presidential Spokesperson at CabSec. Karlo Alexei Nograles na hindi sila nagbabanta at hindi din nila tinatakot ang 7 pang pasahero na mula sa South Africa na hindi pa rin matunton ng pamahalaan sa ngayon.

Ayon kay Nograles, nananawagan sila sa mga ito nang kooperasyon dahil ito ay para na rin sa kaligtasan nila, ng kanilang pamilya at ng iba pang tao na kanilang makakahalubilo.

Ani Nograles, hindi naman agad-agad kakasuhan ang mga ito dahil sa hindi sila makontak o mahanap ng mga otoridad.


Hangga’t maaari aniya ay last resort na ang pagsasampa ng kaso.

Matatandaang sinabi ng Department of Health (DOH) na tatlo sa mga pasaherong ito, ang nagsumite ng contact number ng kanilang agency sa halip na sarili nilang contact detail.

Ang isang biyahero naman ay mali ang numerong ibinigay habang ang isa ay ibinigay ng hindi kumpletong numero at ang dalawa ay hindi naman ma-contact.

Maaari kasing maharap sa paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases ang pagsusumite ng maling impormasyon o contact details.

Pero ipinauubaya na ni Nograles sa ating law enforcement agencies ang pag-iimbestiga o pagtatanong kung bakit nagbigay sila ng maling contact details.

Facebook Comments