Cauayan City, Isabela- Binawi na ng complainant ang pagsasampa ng kaso sa sundalong nag-amok sa Brgy Calamagui 1st, City of Ilagan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay Major Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, naawa umano si Roberto Gumarag nang mapag-alaman ang kalagayan ni Corporal Feliciano Soriano, 35 anyos, may-asawa na nakatalaga sa 5th Infantry Division.
Ayon kay Maj Tayaban, kabilang sa mga ‘wounded in action’ o nasugatan sa mga nangyaring labanan sa Jolo, Sulu si Corporal Soriano sa ilalim ng 45th Infantry Battalion at bagong lipat lamang sa 5th ID.
Nagkadiperensya umano ito sa pag-iisip dahil na rin sa epekto ng kanyang pakikipaglaban habang siya’y nakatalaga sa Mindanao.
Magugunita na noong Nov. 5, 2019 ng gabi ay nagpaputok ng baril ng maraming beses ang naturang sundalo gamit ang kanyang service firearm na ikinaalarma ng kanyang mga kapitbahay at nagtangkang saksakin sa loob ng bahay kalakal si Gumarag gamit naman ang kinuhang gunting.
Nasa kustodiya na ng 5th ID si Soriano at nakatakdang dalhin sa ospital sa Maynila upang isailalim sa komprehensibong pagsusuri para sa kanyang pag-iisip.