
Ikinatuwa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mabilis na pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan ng mga sangkot sa flood control projects.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, mas mabilis umano ang nangyaring pagsasampa ng Office of the Ombudsman kaysa sa noo’y Napoles scandal.
Ani Dizon, ito’y dahil sa pagtutulungan at mabilis na aksyon ng Department of Justice (DOJ), Ombudsman, ICI at DPWH.
Matatandaang kahapon nang inanunsyo ng Office of the Ombudsman na tuluyan nang kinasuhan sa Sandiganbayan si dating Rep. Zaldy Co, ilang opisyal ng Region 4B (MIMAROPA) at ilan pa sa miyembro ng Board of Directors ng Sunwest Inc., matapos na masangkot sa maanomalyang proyekto.
Nag-ugat ang mga isinampang kaso sa umano’y iregularidad sa P289.5-M halaga ng proyekto para sa flood control sa Naujan, Oriental Mindoro na kinontrata ng Sunwest Inc.









