Pagsasampa ng patung-patong na kaso laban sa mga sangkot sa umano’y paglapastangan sa burol at libing ng anak ng aktibistang si Reina Mae Nasino, pinag-aaralan na ng NUPL

Ikinokonsidera ng National Union of People’s Laywers (NUPL) ang pagsasampa ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo laban sa mga sangkot sa anila’y “overkill” na presensya ng mga awtoridad sa lamay at libing ng anak ng aktibistang si Reina Mae Nasino.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NUPL-NCR Secretary General Katherine Panguban na pinag-aaralan nilang mabuti kung anong mga probisyon sa batas ang maaari nilang ilahad sa pagsasampa ng kaso.

Kabilang rito ang pagpapanatili ng posas kay Reina sa buong seremonya ng libing at hindi pagkilala sa hiling ng kanyang pamilya hinggil sa plano para sa funeral march ni Baby River.


Kasabay nito, iginiit ng NUPL na karapatan pa rin ni Reina na magsalita sa kabila ng pagiging political prisoner nito.

Si Nacino ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Nakadalo siya sa libing ng kanyang anak habang nakaposas kasama ang nasa 50 prison guards at pulis na idineploy sa burial rites sa Manila North Cemetery noong Biyernes.

Facebook Comments