Ikinokonsidera na ngayon ng National Press Club (NPC) of the Philippines ang pagsasampa ng reklamo laban kay Senator Alan Peter Cayetano.
Ito ay matapos tawagin ng NPC na misleading ang sagot ng senador sa hamon sa kaniya na pangalanan ang sampung radio station na nagsasagawa ng scripted na interview.
Ayon kay NPC President Leonel Abasola, sa panayam kay Cayetano ng media kaninang hapon ay hindi pa rin naman nito nasagot at nabigyang linaw ang mga akusasyon.
Ang hinihiling anila ng NPC ay pangalanan ang mga sinasabi ni Cayetano lalo na’t may epekto ito sa imahe ng media pagdating sa ethical standards sa katotohanan, pagiging tama at walang kinikilingan.
Sa ngayon, sinabi ni Abasola na kokonsulta siya sa bagong buong NPC legal committee kung ano ang pwedeng isampang reklamo sa ethics committee.
Pagdating naman sa hamon ni Cayetano na hikayatin din si Binay na mag-focus sa isyu, sinabi ni Abasola na hangad din ng NPC na malaman ang katotohanan sa konstruksyon ng bagong Senate building.