Ipinauubaya na ng National Maritime Council (NMC) sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung i-aakyat sa United Nations body ang kaso laban sa China.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni NMC Spokesperson Vice Admiral Alexander Lopez, na isa ito sa nakikitang hakbang ng pamahalaan, bukod pa sa inihahandang diplomatic protest bilang tugon sa insidente.
Walang binanggit na partikular na tanggapan ng UN si Lopez, pero makatutulong aniya na miyembro na ng council ang Office of the Solicitor General, na pangunahing mandato ay maging kinatawan ng pamahalaan sa anumang kaso.
Nanindigan si Lopez na mananatili ang Pilipinas sa pagsunod sa polisiya laban sa anumang agresibong aksyon sa teritoryo na maaaaring magpalala ng sitwasyon.
Bilang pagtalima na rin sa nilagdaang Code of Conduct noong 2002, na iiwasan ng mga bansa ang anumang aktibidad na maaaring magpapala ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Ang malinaw sa ngayon, ayon kay Lopez ay nilabag ng China ang mandato ng mga Coast Guard na tiyakin ang kaligtasan sa mga karagatan, dahil nagawa nilang ilagay sa peligro ang mga kapwa Coast Guard sa Pilipinas.