Cauayan City, Isabela- Matagumpay na isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority-Isabela School of Arts and Trades (TESDA – ISAT) sa pakikipagtulungan ng 86th Infantry (HIGHLANDER) Battalion ang skills training sa Bartending at Barista NC II, sa mga kawani ng 86IB at mga dating rebelde sa Barangay Uno, Jones, Isabela.
Ang nasabing programa ay pinangunahan ni Ginoong Edwin P. Madarang, Vocational School Superintendent TESDA-ISAT at Lieutenant Colonel Ali A Alejo, pinuno ng 86IB.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagtutulungan ng TESDA at 86IB para tulungan ang mga kawani nito at mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan na mapalawak ang kanilang mga kaalaman at kasanayan na maaaring makadagdag sa kani-kanilang kabuhayan.
Ang ganitong pagsasanay ay mapagtitibay ang relasyon ng kasundaluhan, mga dating rebelde at iba pang kasapi ng gobyerno.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng 86IB sa TESDA-ISAT sa kanilang patuloy na pagsuporta sa adhikain nitong madagdagan ang kaalaman ng kasundaluhan at mga dating rebelde.