
Cauayan City – Upang mapabuti ang kakayahan sa pagtugon sa sakuna at emergency, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) ng isang pagsasanay sa paggamit ng Mobile Command Center (MCC).
Ang MCC ay isang mahalagang kagamitan sa mga operasyong pangsakuna kung saan ito ay may makabagong communication at monitoring systems na nagbibigay-daan sa real-time coordination at mas epektibong pangangasiwa ng sitwasyon.
Ginawa ang pagsasanay sa opisina ng DSWD FO2, kung saan lumahok ang 30 indibidwal mula sa Disaster Response Management Division (DRMD), Social Welfare and Development Teams (SWADTs), at Rapid Emergency Telecommunications and Information Management Unit (RITMU).
Ang mga grupong ito ay may mahalagang papel sa mabilis at epektibong paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng sakuna.
Sa pagsasanay, natutunan ng mga kalahok ang tamang paggamit ng mga tampok ng MCC, tulad ng satellite communication, data management, at field reporting mechanisms, maging ang mahahalagang kaalaman at estratehiya upang mas mapakinabangan ang MCC sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.