Aakit at mas makakapanghikayat pa ng mga foreign tourist ang gagawing pagsasapribrado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Department of Tourism (DOT), isa kasi sa mga tinitingnan ng mga turistang dumadayo sa bansa ay ang magandang serbisyo sa paliparan at mga pasilidad nito bukod pa sa magagandang tourist spot sa Pilipinas.
Sinabi ni Tourism Secretary Cristina Frasco na malaki ang magiging tulong ng privatization sa NAIA dahil bukod sa magiging world class na ang hinaharap nito ay mas makakasiguro pa ang mga pasahero na standard at safe ang kanilang sinasakyan.
Naniniwala rin ang DOT na mas mapapaganda pa ng privatization ang kalidad at karanasan ng mga pasahero hindi lamang ng mga turista maging ng mga Pinoy na nagta-travel sa loob lamang ng bansa.
Kasunod nito, buo ang suporta ng ahensya sa Public-Private Partnership (PPP) Project Concession Agreement sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. katuwang ang San Miguel Corporation (SMC) Consortium sa tinaguriang primary gateway ng bansa na nakalatag sa National Tourism Development Plan 2023-2028 ng Pilipinas.
Sa huli, inaasahan ng Tourism department ang 62 million travellers sa buong taon na na halos kalahating porsiyento ng mga dumadagsang turista ngayon sa bansa.