Itinutulak ni Marikina Representative Stella Quimbo na isapribado na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bunsod na rin ng mga katiwaliang kinakaharap ng ahensya.
Sa House Bill 7429 o Social Health Insurance Crisis Act na inihain ni Quimbo ay binibigyang kapangyarihan ang Pangulo na i-privatize ang buong PhilHealth o ang ilang segments nito.
Lilikha sa ilalim ng panukala ng Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission upang ayusin ang loob ng korporasyon.
Inirerekomenda rin ang pagbuo ng transition management team sa pagitan ng private corporation o management consultancy firm na siyang magpapatupad ng national insurance program salig sa Universal Health Care Law.
Dagdag pa dito ay binibigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo na bumuwag o bumuo ng opisina sa PhilHealth, maglipat ng tungkulin, magtaas ng sahod kung nararapat, magpatupad ng mga polisiya upang makatipid at iba pang mga paraan na magpapahusay sa sistema ng social health insurance para sa mga Pilipino.
Hinimok naman ni Quimbo ang mga kasamahang kongresista na suportahan at madaliin ang pag-apruba sa panukala.