Isang komite ang binuo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista upang pag-aralan ang pagsasapribado sa operasyon at maintenance ng Metro Rail Transit o MRT-3 gaya ng ginawa ng gobyerno sa Light Rail Transit o LRT Line 1.
Inihayag ito ni Transportation Undersecretary for Railway Cesar Chaves sa briefing ng DOTR sa House Committee on Transportation.
Ayon kay Chavez, mandato ng komite na aralin kung ‘economically’ at ‘financially’ viable na i-‘bundle’ ang MRT-3 sa LRT-2 na pinamamahalaan ng Light Rail Transit Authority o LRTA.
Sabi ni Chavez, kasama ding inaaral ng komite kung legal ba na ilipat ang MRT-3 assets sa LRTA.
Ito ay sa oras na mapaso na ang 25 taong build-lease-transfer contract ng Metro Rail Transit Corp. o MRTC.
Ang MRTC ang nagtayo ng MRT-3 at mapupunta ang pagmamay-ari nito sa gobyerno sa Hulyo 2025.