Pagsasapubliko ng mga datos at rekomedasyon ng UP-OCTA Research Team, itutuloy pa rin sa kabila ng apela ng tagapagsalita ng Pangulo

Itutuloy pa rin ng University of the Philippines-OCTA Research Team ang pagsasapubliko ng kanilang mga datos at rekomendasyon hinggil sa COVID-19.

Kasunod ito ng apela ni Presidential Spokesperson Harry Roque na huwag ng isapubliko ang mga rekomendasyon sa pamahalaan sa ipapatupad na quarantine measures.

Sa isang panayam, sinabi ni Prof. Ranjit Singh Rye na miyembro ng UP-OCTA Research Team, nag-usap ang kanilang grupo matapos na makatanggap ng tawag mula kay Sec. Roque at napagkasunduan nila na itutuloy pa rin nila ang kanilang report.


Ayon kay Rye, personal na opinyon ni Roque ang suhestyon na huwag ng isapubliko ang report at hindi galing mismo sa Malacañang.

Giit pa ni Rye, ang ginagawa ng OCTA Research Team ay para mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko hinggil sa sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi naman ni Prof. Guido David, na miyembro rin ng OCTA Research Team na posibleng umabot sa 390,000 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa bagama’t hindi naman ito nakaka-alarma dahil may nakikita silang pagbaba ng ilang kaso nito.

Aniya, bababa ng 500 hanggang 600 ang kaso kada araw sa katapusan ng buwan kung mananatili ang quarantine restriction na ngayo’y nakakapagtala ng 900 kada araw.

Maging ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay bumaba na rin ng 8% positivity rate.

Facebook Comments