Ito’y kasunod ng ginagawang internal cleansing sa hanay ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot ng ilang koronel at heneral sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., pag-uusapan pa nila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kung papangalanan nila ang mga dawit na opisyal matapos itong dumaan sa vetting process ng 5-man committee at beripikasyon ng National Police Commission (NPC).
Matatandaang una nang sinabi ni Azurin na isasapubliko ang pangalan ng mga opisyal na mapapatunayang sangkot sa iligal na droga.
Gayunman, kumambyo si Abalos noong Biyernes makaraang sabihing hindi na kailangang isapubliko ang pangalan ng mga dawit na opisyal.
Sa huling tala ng PNP, 97% na ng 3rd level officer ng PNP ang nagsumite ng courtesy resignation.
Katumbas ito ng 929 na mga koronel at heneral kung saan 24 na lamang ang hinihintay magsumite ng courtesy resignation hanggang Enero 31, 2023.