Sa pagpapatuloy ng Senate hearing ukol sa vaccination program, sinabi ni Senate President Tito Sotto III na hindi muna nila ipipilit ang pagsasapubliko sa presyo ng bakuna mula sa Sinovac at iba pa.
Ang pasya ni SP Sotto ay resulta ng pulong niya kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. kung saan ipinakita nito ang mga dokumento ukol sa pakikipagnegosasyon sa pagbili ng bakuna.
Nakita ni SP Sotto at nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Ronald Bato Dela Rosa na mayroon talagang non-disclosure agreement sa mga dokumento.
Tinanggap naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang garantiya ni SP Sotto na kailangan talagang manatiling confidential ang presyo ng Sinovac habang nagpapatuloy pa ang negosasyon.
Pero giit ni Drilon, kapag napirmahan na ang supply agreement ay magiging public document na ito kaya kailangan ng ilabas ang presyo para mawala na ang pagdududa at magkaroon na ng kumpyansa ang publiko sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Nangako naman si Secretary Galvez na regular na magbibigay ng report kay SP Sotto ukol sa itinatakbo ng negosasyon ukol sa COVID 19 vaccine.
Tiniyak din ni Galvez sa mga Senador na above board ang lahat ng negosasyon para sa ligtas at cost-efficient na bakuna at siniguradong walang katiwalian bilang alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.