Pagsasapubliko ng SALN, posibleng maging banta sa seguridad ni PBBM at ng mga gabinete —Malacañang

Ilalabas lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kung lehitimo ang pagagamitan nito at hindi gagamitin sa pulitikal na paninira.

Sa pulong balitaan sa Malaysia, iginiit ni Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro na malinaw namang bukas ang pangulo sa transparency, ngunit dapat manatiling protektado ang integridad, at seguridad ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Castro, susunod ang pangulo at ang kanyang gabinete sa mga panuntunang itinakda ng Ombudsman sa paglalabas ng SALN.

Dagdag pa ni Castro, nagkasundo rin ang mga miyembro ng gabinete sa kanilang pulong nitong Sabado na tanging mga lehitimong kahilingan lamang ang kanilang pagbibigyan.

Nauna nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi dapat maging “open season” ang SALN dahil naglalaman ito ng sensitibong impormasyon tulad ng tirahan at personal na detalye na maaaring magbanta sa kaligtasan ng mga opisyal.

Dahil dito, iginiit ng Palasyo na ang pag-access sa SALN ay dapat kontrolado at ayon sa batas.

Facebook Comments