Nakadepende na sa bawat Local Government Units (LGUs) sa labas ng Metro Manila kung magsasarado sila ng mga sementeryo bago ang Undas.
Ito ang nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil mayroon ng mga lugar sa ibang bahagi ng bansa na bumababa na ang COVID-19 cases.
Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na maaari pa itong mabago sakaling maglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte kagaya noong nakaraang taon.
Matatandaang noong 2020 ay ipinasara ng national government sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force o IATF ang mga sementeryo at kolumbaryo mula October 29 hanggang November 4 bilang pag-iingat sa posibleng pagkalat ng COVID-19.
Samantala, tiniyak naman ng DILG na hindi dadagsain ang mga sementeryo bago at pagkatapos ng Undas dahil lilimitahan lamang ng mga LGU ang papayagang pumasok kada araw.
Simula sa October 29 hanggang November 2, sarado ang mga sementeryo dito sa metro manila at mahigpit na babantayan ng Philippine National Police.